Thursday, October 11, 2007

Utak ng Himagsikan sa Liga


Isa sa mga tanyag na bayaning kilala sa ating bayan ay ang ka-Liga naming si Apolinario Mabini. Siguro ay iilan lamang ang nakakaalam na may sinulat pala ang "Utak ng Himagsikan" tungkol sa La Liga Filipina at sa Katipunan.

Bigyang-pansin natin ang kapatid na si Mabini.

Maraming nagulat sa unang pahayag natin tungkol kay Mabini. Maaaring dahil nalaman nila na hindi kasama sa orihinal na miyembro ng La Liga si Mabini. Naging parte na lamang siya ng Liga nang maipadala sa Dapitan si Rizal at muling binuo ang La Liga nina Andres Bonifacio atbp.

Ayon kay Mabini, hindi rin daw sila naging malapit ng ating pambansang bayani. Wala man siyang nasabi ukol sa mga napag-usapan sa La Liga noong unang pagkakabuo nito, malinaw naman niyang naisalaysay ang mga kaganapan sa panahong miyembro na siya ng La Liga.

Narito ang ilang parte ng naisulat ni Mabini at kayo na mismo ang makaalam kung ano pa ang mga importante nyang masasabi:

“Kung pinag-usapan at tinukoy ang mga hangarin sa unang pagkikita ng mga kasapi sa Liga, pinamunuan ni Rizal mismo, hindi ko nabatid sapagkat hindi ako naanyayahan. Hindi ako kailan man naging malapit sa dakilang manggagamot.

Masasabi ko lamang na naglaho ang Liga ilang araw pagkaraan ng unang pagkikita dahil sa pagdukot kay Rizal. Nang muling itatag ang Liga sa pasimuno ni Don Domingo Franco, Andres Bonifacio at iba pa, ibinigay nila sa akin ang tungkulin ng pagiging kalihim ng pang-unang pulong. Tinunton namin nuon ang mga hangarin ng lipunan:
1. Tustusan ang La Solidaridad nang maipagpatuloy nito ang mga panawagan sa pagbubuti.

2. Mag-ipon ng sapat na salapi upang makatagpo at maghikayat ng mga abogado at mga kinatawan ng Cortes, ang batasan sa EspaƱa, na handang tumulong sa pagbabago sa Pilipinas.

3. Pag-ibayuhin ang pagsigasig sa lahat ng paraang ayon sa batas, mistulang maging isang partido ng politica ang Liga sa halip ng isang lipunan lamang.

Ngunit madaling nasawi uli ang Liga, naglaho pagkaraan ng ilang buwan, bagaman at mainam ang pasimula nito. Ang karamihan ng mga kasapi ay tanghal sa lipunan, kilala sa dunong at pagiging makabayan. Sa pagsisikap ni Andres Bonifacio at ng mga kasama niya, nakapagbuo ng mga consejo ng mga mamamayan sa Tondo at sa Trozo.

Nagsimulang magtipon ng mga consejo din sa Santa Cruz, Ermita, Malate, Sampaloc, Pandacan at iba’t ibang purok sa paligid ng Manila.”


Unus Instar Omnium.

No comments: