Matapos hulihin si Rizal, nagpatuloy pa rin ang La Liga Filipina sa kanilang pamamaraan, palihim nga lang. Bumuo rin ang mga natirang miyembro ng panibagong mga pinuno. Nahalal na pangulo si Domingo Franco, kalihim at ingat-yaman si Deodato Arellano, taga-usig si Isidro Francisco, at consejo supremo naman sina Juan Zulueta at Timoteo Paez. Hindi nagtagal, sumunod na naging kalihim si Apolinario Mabini at nagtatag ng bagong samahan naman si Andres Bonifacio, ang Katipunan.
Iyan ang naitatag na pangalawang listahan ng mga pinuno ng La Liga Filipina. Bigyang-pansin naman natin ang una at orihinal na listahan ng mga pinuno at kasapi ng La Liga Filipina.
Makikita sa larawan sa ibaba ang ipinatayong monumento sa Tondo nuong ika-30 ng Disyembre, 1903 bilang parangal kay Rizal at sa kanyang mga kasama at iba pang tumulong sa pagtatag ng La Liga Filipina. Ang monumentong ito ay nakatayo sa isang pirasong lupang inalay ni Timoteo Paez, isang kasapi ng Liga.
Nakaukit sa monumento ang mga kataga:
'Alalahanin. Sa harap nito, sa bahay na 176 Calle Ilaya, itinatag ni Doctor Rizal nuong gabi ng Julio 3, 1892 ang lihim na pambansang lipunan ng Liga Filipina, sa tulong at sang-ayon ng mga ginuong nakatala rito.
'Dr. Jose Rizal, ang nagtatag, binaril.
'Ang mga director -
'Ambrosio Salvador, pangulo ng Liga, ikinulong.
'Agustin dela Rosa, fiscal, ikinulong.
'Bonifacio Arevalo, ingat-yaman, ikinulong.
'Deodato Arellano, kalihim at unang pangulo ng Katipunan, ikinulong.
'Ang mga kasapi -
'Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan at pang-una sa sigaw laban sa manlulupig nuong Agosto 24, 1896.
'Mamerto Natividad, sumunod kay Bonifacio sa pagsigaw sa himagsikan sa Nueva Ecija nuong
Agosto 28, 1896, binaril.
'Domingo Franco, supremo ng Liga Filipina, binaril.
'Moises Salvador, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.
'Numeriano Ardiano, punong tanod ng kagalang-galag na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.
'Jose A. Dizon, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Taliba, binaril.
'Apolinario Mabini, abogado, ikinulong.
'Ambrosio Rianzares Bautista, unang bayani nuong 1868, ikinulong.
'Timoteo Lanuza, nagpasimula ng pahayag nuong 1888 na palayasin ang mga frayle, ikinulong.
'Marcelino de Santos, tagatawad at alalay ng La Solidaridad, ang pahayagan ng Pilipino sa Madrid, ikinulong.
'Paulino Zamora, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, ipinatapon.
'Juan Zulueta, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, napatay.
'Doroteo Ongjunco, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong at may-ari ng bahay.
'Arcadio del Rosario, tagahayag ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, ikinulong.
'Timoteo Paez, ikinulong.'
source: http://www.elaput.com/liga.htm
Unus Instar Omnium.
No comments:
Post a Comment