Paggugol ng Salapi
1. Tutustusan ang kasapi o anak nito, kung dahil sa kakapusan ay magpapakilala namang may pagsisikap at may malaking kakayahan.
2. Tutulungan ang dukhang kasapi sa kanyang karapatan laban sa isang makapangyarihan.
3. Sasaklolohan ang kasaping naghihirap.
4. Pauutangin ng puhunan ang kasaping nangangailangan nito para sa isang industriya o pagsasaka.
5. Tutulong sa pagpapasok sa Pilipinas ng mga makina at mga bago't kinakailangang industriya.
6. Magbubukas ng mga tindahan, pamilihan, at mga bahay-kalakal na maaaring bilhan ng mga kasapi sa halagang lalong mura kaysa ibang dako. Ang Punong Kalihim ay may malawak na kapangyarihan upang makagamit ng salapi sa mga pangangailangang pangmadalian, datapuwat nararapat siyang gumawa ng pagtutuos sa harap ng Kataas-taasang Sanggunian.
Mga Tadhanang Panlahat:
1. Sinuma'y hindi maaaring tanggapin kundi hindi pagbobotohan muna nang buong pagkakaisa ng Sanggunian sa kanyang bayan, at kun hindi siya makawaan sa mga pagsubok na nararapat niyang pagdaanan.
2. Natatapos ang mga panunungkulan tuwing dalawang taon maliban sa kung may sakdal ang Tagapag-usig.
3. Upang makamit ang alin mang katungkulan ay kinakailangan ang tatlong ikaapat na bahagi ng mga boto ng mga kaharap.
4. Ang mga kasapi ay siyang naghahalal sa Kalihim Pambayan, Tagapag-usig Pambayan, at Ingat-Yamang Pambayan; ang mga maykapangyarihang pambayan ay siyang nangahahalal sa mga Kataas-taasan.
5. Tuwing tumatanggap ng isang kasapi, ito'y ipinagbibigay-alam ng Punong pambayan sa Punong Kalihim, sampu ng mga pangalang bago at dati; gayon din ang gagawin kung nagtatag ng bagong Sanggunian.
6. Ang mga patalastas, kung paanong karaniwan ay dapat magtaglay ng mga pangalang-sagisag lamang, maging ng lumalagda at maging ng pinadadalhan, at ang pinagdaraanan ay buhat sa kasapi patungong Puno sa Punong Pambayan, buhat dito, patungo sa Punong Panlalawigan o Punong Kalihim o pabalik. Sa mga pangyayaring hindi karaniwan lamang, maaaring laktawan ang ganitong mga kaayusan. Gayunpaman, sa lahat ng panahon at pook ay maaaring pakitunguhan nang tuwiran ng Punong Kalihim ang sinuman.
7. Hindi kinakailangang nakaharap ang lahat ng mga kaanib sa isang Sanggunian upang ang mga kapasiyahan ay magkaisa. Sapat na kung nakaharap ang kalahati at sa mga namumuno.
8. Sa mga sandaling mapangabib, nararapat ipalagi na bawat Sanggunian na siya ang tagapagsanggalang ng Liga Pilipina, at kung dahil sa isa o ibang sanhi ay magkawatak-watak ang mga iba o kaya'y mawala, bawat Sanggunian, bawat Puno, bawat kasapi ay kusang magsasabalikat ng pagsusumakit na ang mga yao'y muling mabuong matatag.
source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel
Unus Instar Omnium.
No comments:
Post a Comment