Thursday, October 11, 2007

Utak ng Himagsikan sa Liga


Isa sa mga tanyag na bayaning kilala sa ating bayan ay ang ka-Liga naming si Apolinario Mabini. Siguro ay iilan lamang ang nakakaalam na may sinulat pala ang "Utak ng Himagsikan" tungkol sa La Liga Filipina at sa Katipunan.

Bigyang-pansin natin ang kapatid na si Mabini.

Maraming nagulat sa unang pahayag natin tungkol kay Mabini. Maaaring dahil nalaman nila na hindi kasama sa orihinal na miyembro ng La Liga si Mabini. Naging parte na lamang siya ng Liga nang maipadala sa Dapitan si Rizal at muling binuo ang La Liga nina Andres Bonifacio atbp.

Ayon kay Mabini, hindi rin daw sila naging malapit ng ating pambansang bayani. Wala man siyang nasabi ukol sa mga napag-usapan sa La Liga noong unang pagkakabuo nito, malinaw naman niyang naisalaysay ang mga kaganapan sa panahong miyembro na siya ng La Liga.

Narito ang ilang parte ng naisulat ni Mabini at kayo na mismo ang makaalam kung ano pa ang mga importante nyang masasabi:

“Kung pinag-usapan at tinukoy ang mga hangarin sa unang pagkikita ng mga kasapi sa Liga, pinamunuan ni Rizal mismo, hindi ko nabatid sapagkat hindi ako naanyayahan. Hindi ako kailan man naging malapit sa dakilang manggagamot.

Masasabi ko lamang na naglaho ang Liga ilang araw pagkaraan ng unang pagkikita dahil sa pagdukot kay Rizal. Nang muling itatag ang Liga sa pasimuno ni Don Domingo Franco, Andres Bonifacio at iba pa, ibinigay nila sa akin ang tungkulin ng pagiging kalihim ng pang-unang pulong. Tinunton namin nuon ang mga hangarin ng lipunan:
1. Tustusan ang La Solidaridad nang maipagpatuloy nito ang mga panawagan sa pagbubuti.

2. Mag-ipon ng sapat na salapi upang makatagpo at maghikayat ng mga abogado at mga kinatawan ng Cortes, ang batasan sa EspaƱa, na handang tumulong sa pagbabago sa Pilipinas.

3. Pag-ibayuhin ang pagsigasig sa lahat ng paraang ayon sa batas, mistulang maging isang partido ng politica ang Liga sa halip ng isang lipunan lamang.

Ngunit madaling nasawi uli ang Liga, naglaho pagkaraan ng ilang buwan, bagaman at mainam ang pasimula nito. Ang karamihan ng mga kasapi ay tanghal sa lipunan, kilala sa dunong at pagiging makabayan. Sa pagsisikap ni Andres Bonifacio at ng mga kasama niya, nakapagbuo ng mga consejo ng mga mamamayan sa Tondo at sa Trozo.

Nagsimulang magtipon ng mga consejo din sa Santa Cruz, Ermita, Malate, Sampaloc, Pandacan at iba’t ibang purok sa paligid ng Manila.”


Unus Instar Omnium.

La Liga on Fraternity Violence

Mainit ngayon ang isyu tungkol sa fraternity violence sapagkat isa na namang neophyte ang namatay dahil dito. Bilang isang samahan ng mga kalalakihan, madami ang nagsasabi na kmi ay isa ring fraternity. Ito lang ang masasabi namin, may pagkakaiba kami sa mga fraternity ngayon. Una sa lahat, hindi namin ginagawang basehan ang pisikal na lakas ng isang tao upang maging miyembro ng aming kapatiran. Ang mahalaga sa amin ay ang estado sa buhay, edukasyon, at hangarin para sa Pilipinas. Kung ikaw ay kabilang sa middle class, may mataas na pinag-aralan, at may pagnanais na magkaroon ng reporma sa pamahalaan, maaari ka nang maging kasapi ng La Liga. Ikalawa, naniniwala kaming hindi dapat gamitan dahas ang pagpapahirap sa mga neophytes na nais maging miyembro ng kapatiran. Oo, maging sa La Liga ay gumagamit kami ng dahas ngunit kung kinakailangan lamang. Maaari lamang kami gumamait ng dahas bilang kaparusahan sa mga kasapi na tumalikod sa kanyang tungkulin. Isa sa mga tungkulin ng bawat kasapi ng La Liga ay ang sumaklolo sa ibang kasaping nasa kagipitan o panganib. Kung hindi niya ito magawa gayung maaari naman ay paparusahan siya at ang pinakamagaan na ipaparusa sa kanya ay iyon ding kapinsalaang dinanas ng kasaping hindi sinaklolohan. Samakatuwid, kaming mga kasapi ng Liga ay tutol sa pagpapahirap sa mga neophytes ngunit hindi namin tinututulan ang paggamit ng dahas bilang kaparusahan sapagkat sa ganitong paraan namin maipapakita ang tunay na kahulugan ng kapatiran. Walang iwanan sa oras ng kagipitan.

Source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay. PI 100 reading
Unus Instar Omnium.

Tuesday, October 9, 2007

Kagandahan at Kawakasan ng La Liga Filipina

Sa lahat na naipahayag na mga tungkulin at karapatan ng bawat matataas na opisyal at miyembro ng La Liga Filipina (LLF), mas naunawaan na natin ngayon ang lahat ng pasikut-sikot sa loob ng samahan.
Nalaman natin ang mga nakukuhang ekslusibong benepisyo ng bawat miyembro ng LLF sa lahat ng "access" mayroon ang kapwa ka-Liga nila. Tulad nga ng nabanggit sa mga naunang posts, magkakadiscount ang isang miyembro sa mga kalakal ng kapwa ka-Liga nila. Puwede ring manghiram pansamantala ng pera pantayo ng negosyo o tuwing kelan kailangan, basta ba may ipon.
Ipinaiiral din ang pagtangkilik sa mga kalakal o negosyo ng kapwa ka-Liga o ng mga kababayan. Tila sa panahon ito, nangyayari na ang "Filipino First". Iyon nga lang, ito ay nasa panahon ng pananakop ng mga Kastila kung saan, ang mga creoles pa lamang ang kinikilalang mga Filipino. Hindi pa alam ng karamihang Indiyong Pilipino kung sino sila at ano ba talaga ang lahi nila.
Pero bumalik tayo muli sa kagandahan ng LLF. Sa samahang ito, tila nabuo na kagad ang panibago at orihinal na pamahalaan ng pinamumunuan ng mga tunay na Pilipino. Natutunan nang magkaisa at magtulungan para makamit ang nag-iisang pinakapangarap ng lahat - ang kalayaan ng Pilipinas sa kamay ng Espanya sa mapayapang paraan. Kaya rin, sa samahang ito, nalaman din natin na upang makamit ng LLF ang napakabigat na inaasam, minabuti muna ng LLF na simulan ang lahat ng pagbabago, ang pagkamit ng hustisya at pagsasakatuparan ng kaunlaran ng lahat ng Pilipino sa loob ng samahan.
Nakalulungkot lamang isipin na hindi nagtagal ang samahan kahit na sabihin natin kung gaano ka-ideyal ang samahan na binubuo rin nga naman ng mga ideyal na tao. Naghalo ang mga taong bumubuo sa samahan, andiyan ang mga nakapag-aral, hindi nakapag-aral, mga propesyunal, mayaman o kabilang sa middle class atbp. Basta tiyak tayo sa isang bagay, lahat ay makabayan.
Unus Instar Omnium.

Pamamalakad sa La Liga Filipina

Paggugol ng Salapi
1. Tutustusan ang kasapi o anak nito, kung dahil sa kakapusan ay magpapakilala namang may pagsisikap at may malaking kakayahan.
2. Tutulungan ang dukhang kasapi sa kanyang karapatan laban sa isang makapangyarihan.
3. Sasaklolohan ang kasaping naghihirap.
4. Pauutangin ng puhunan ang kasaping nangangailangan nito para sa isang industriya o pagsasaka.
5. Tutulong sa pagpapasok sa Pilipinas ng mga makina at mga bago't kinakailangang industriya.
6. Magbubukas ng mga tindahan, pamilihan, at mga bahay-kalakal na maaaring bilhan ng mga kasapi sa halagang lalong mura kaysa ibang dako. Ang Punong Kalihim ay may malawak na kapangyarihan upang makagamit ng salapi sa mga pangangailangang pangmadalian, datapuwat nararapat siyang gumawa ng pagtutuos sa harap ng Kataas-taasang Sanggunian.
Mga Tadhanang Panlahat:
1. Sinuma'y hindi maaaring tanggapin kundi hindi pagbobotohan muna nang buong pagkakaisa ng Sanggunian sa kanyang bayan, at kun hindi siya makawaan sa mga pagsubok na nararapat niyang pagdaanan.
2. Natatapos ang mga panunungkulan tuwing dalawang taon maliban sa kung may sakdal ang Tagapag-usig.
3. Upang makamit ang alin mang katungkulan ay kinakailangan ang tatlong ikaapat na bahagi ng mga boto ng mga kaharap.
4. Ang mga kasapi ay siyang naghahalal sa Kalihim Pambayan, Tagapag-usig Pambayan, at Ingat-Yamang Pambayan; ang mga maykapangyarihang pambayan ay siyang nangahahalal sa mga Kataas-taasan.
5. Tuwing tumatanggap ng isang kasapi, ito'y ipinagbibigay-alam ng Punong pambayan sa Punong Kalihim, sampu ng mga pangalang bago at dati; gayon din ang gagawin kung nagtatag ng bagong Sanggunian.
6. Ang mga patalastas, kung paanong karaniwan ay dapat magtaglay ng mga pangalang-sagisag lamang, maging ng lumalagda at maging ng pinadadalhan, at ang pinagdaraanan ay buhat sa kasapi patungong Puno sa Punong Pambayan, buhat dito, patungo sa Punong Panlalawigan o Punong Kalihim o pabalik. Sa mga pangyayaring hindi karaniwan lamang, maaaring laktawan ang ganitong mga kaayusan. Gayunpaman, sa lahat ng panahon at pook ay maaaring pakitunguhan nang tuwiran ng Punong Kalihim ang sinuman.
7. Hindi kinakailangang nakaharap ang lahat ng mga kaanib sa isang Sanggunian upang ang mga kapasiyahan ay magkaisa. Sapat na kung nakaharap ang kalahati at sa mga namumuno.
8. Sa mga sandaling mapangabib, nararapat ipalagi na bawat Sanggunian na siya ang tagapagsanggalang ng Liga Pilipina, at kung dahil sa isa o ibang sanhi ay magkawatak-watak ang mga iba o kaya'y mawala, bawat Sanggunian, bawat Puno, bawat kasapi ay kusang magsasabalikat ng pagsusumakit na ang mga yao'y muling mabuong matatag.
source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel
Unus Instar Omnium.

Spotlight sa mga Kasapi

Mga Tungkulin:
1. Magbabayad ng buwanang butaw na halagang sampung sentimos.
2. Pikit-mata't walang libang susunod sa bawat pasiyang nagbubuhat sa isang Sanggunian o sa isang Puno.

3. Ipagbibigay-alam sa Tagapag-usig ng kanyang Sanggunian ang anumang napapansin o naririnig niya na may kinalaman sa Liga Pilipina.

4. Iingatan niya nang buong higpit ang lihim tungkol sa mga kapasiyahan ng Sanggunian.

5. Sa lahat ng kilos sa buhay ay ipagkakaloob niya ang pagtatangi sa mga ibang kasapi, hindi siya bibili kundi sa tindahan ng isang kasapi, at siya'y bababaan nito ng halaga. Sa mga pangyayaring magkakaparis, ay lagi niyang tatangkilikin ang kasapi. Ang bawat pagsuway sa pangkat na ito'y parurusahan nang mabigat.
6. Ang kasapi na gayong maaari naman ay hindi sumaklolo sa ibang kasaping nasa kagipitan o panganib ay parurusahan at ang pinakamagaan na iparurusa sa kanya ay iyon ding kapinsalang dinanas ng kasaping hindi sinaklolohan.

7. Bawat kasapi, sa sandali ng kanyang pagsabi, ay gagamit ng isang bagong pangalan na siya ang pipili, at hindi maaari niyang palitan hanggang hindi siya Sangguniang Panlalawigan.

8. Magdadala siya sa bawat Sanggunian ng isang gawa, isang pagmamatyag, isang pag-aaral o isang bagong ibig sumapi.
9. Hindi siya paiilalim sa anumang paghamak, ni hindi makikitungo sa kaninuman nang may pagmamatigas.

Mga Karapatan:
1. Ang bawat kasapi ay may karapatang tumanggap ng saklolong "moral", "material" o salapi ng kanyang Sanggunian at ng Liga Pilipina.
2. Maaari niyang hingin sa lahat ng mga kasapi na tangkilikin ang kanyang kalakal o hanapbuhay kailanma't nagbibigay siya ng pananagot na gaya ng iba. Upang siya'y magtangkilik, ay ipahahatid niya sa Punong-pambayan ang kanyang tunay na pangalan at ang kanyang kalagayan upang maipahatid naman ito sa Punong Kalihim na siyang magpapatalastas niyon, sa pamamagitan ng mga angkop na kaparaanan, sa lahat ng mga kasapi sa Liga Pilipina.

3. Sa anumang kagipitan, pagkaapi o kawalang-matuwid, ang kasapi ay makahihingi buong pagsaklolo sa Liga Pilipina.

4. Maaari siyang humingi ng mapupuhunan para sa anumang hanapbuhay kailanma't, may salapi sa kaban.
5. Sa lahat ng bahay-kalakal o mga kaanib na tuwirang tinutulungan ng Liga Pilipina ay makahihingi siya ng pagpapababa ng halaga ng mga paninda o ng paglilingkod na gagawin para sa kanya.

6. Kapag ang isang kasapi ay nagnanais na magbigay sa Liga Pilipina ng halagang higit sa limampung piso, ito'y ilalagak sa isang bangkong matatag, sa ilalim ng kanyang karaniwang pangalan, at ibibigay niya pagkatapos ng katibayan sa Ingat-Yamang kanyang minamabuti.

source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel

Unus Instar Omnium.

Spotlight sa Kalihim

Mga Tungkulin:

1. Magbibigay-ulat siya sa bawat pagtitipon ng mga bagay-bagay na napagkayarian, at ipahahayag ang mga binabalak na isagawa.

2. Siya ang susulat ng mga kalatas ng Sanggunian. Kapag siya'y wala o hindi siya makatanggap ng kanyang mga tungkulin, siya'y may lubos na kapangyarihang pumili ng isang kahalili, hanggang ang Sanggunian ay makapaglagay ng ibang papalit sa kanya.


Karapatan:

1. Bukod pa sa buwanang pulong o pagtitipon ay maaari siyang tumawag ng pulong o pagtitipong hindi pangkawaniwan.


*Ang dalawang larawan ay ang dalawang naging mga Kalihim ng La Liga Filipina. Dalawang beses na naging Kalihim is Deodato Arellano at naging ikatlo naman si Apolinario Mabini.

source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel.

Unus instar omnium.

Spotlight sa Ingat-yaman

Mga Tungkulin:
1. Itatala niya sa isang talaan ang mga bagong pangalan ng mga kasapi na bumubuo ng kanyang Sanggunian.

2. Mag-uulat siya nang mahigpit na kautusan buwan-buwan, hinggil sa mga butaw na kanyang tinaggap, na itinala ng mga kasapi na rin sampu ng kanilang tanging sagisag.

3. Magbibigay rin ng isang katibayan, at ipatatala niya sa talaan, sa sariling sulat at titik ng nagkaloob, para sa bawat kaloob na lumalampas sa piso at hindi humihigit sa limampung piso.
4. Iingatan ng Ingat-yamang pambayan sa kaban ng Sangguniang Pambayan ang ikatlong bahagi ng mga butaw na nailak niya para sa mga pangangailangan ng kanyang Sanggunian. Ang labis, kung umaabot sa sampung piso ay ibibigay sa Ingat-yamang Panlalawigan. Ipakikita niya sa Ingat-yamang Panlalawigan ang kanyang talaan at ang Ingat-yamang Pambayan din ang magtatala sa talaan ng Ingat-yamang Panlalawigan ng halagang ibinigay. Ang Ingat-yamang Panlalawigan ay magkakaloob pagkatapos ng isang katibayan, at kung ito'y naaayon sa mga ulat, ay isusulat sa talaan ng Ingat-yamang Pambayan ang kanyang pagpapatibay. Katulad din ng kaparaanang ito ang susundin kapag ang Ingat-yamang Panlalawigan ay nagbibigay sa Ingat-yamang Kataas-taasan ng salaping higit sa sampung piso.
5. Iingatan ng Ingat-Yamang Panlalawigan ng ikasampung bahagi ng mga halagang ibinibigay sa kanya ng mga Ingat-Yamang Pambayan para sa mga gugulin ng Sangguniang Panlalawigan.
6. Kapag ang isang kasapi ay nagnanais na magbigay sa Liga Pilipina ng halagang higit sa limampung piso, ito'y ilalagak saisang bangkong matatag, sa ilalim ng kanyang karaniwang pangalan, at ibibigay niya pagkatapos ang katibayan sa Ingat-Yamang kanyang minamabuti.


Karapatan:

1. Siyang nagpasiya sa pananalapi sa isang madalian at mahigpit na pangangailangan ng isang kasapi o ng Sanggunian, datapuwat tungkulin niyang gumawa ng pagtutuos at ma nagot sa harap ng hukuman ng Liga Pilipina.


* Ang dalawang larawan sa itaas ay ang dalawang naging Ingat-Yaman ng La Liga Filipina. Ang una ay si Bonifacio Arevalo at ang pangalawa ay si Isidro Francisco.

source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel.

Unus instar omnium.

Spotlight sa Tagapag-usig

Mga Tungkulin:

1. Sisikapin ng Tagapag-usig na lahat ay tumupad sa kani-kanilang tungkulin.
2. Isasakdal sa harap ng Sanggunian ang tanang paglabag o hindi pagtupad na napansin niya sa sinumang kaanib sa Sanggunian.

3. Ipagbibigay-alam niya sa Sanggunian ang lahat ng panganib o pag-uusig.

4. Sisiyasatin niya ang kalagayan ng pananalapi ng Sanggunian.

Mga Karapatan:

1. Maaaring palabasin niya o harapin ang sinumang nasasakdal samantalang inihahayag ang pangyayari sa Sanggunian.

2. Maari niyang suriin sa anumang pagkakataon ang mga talaan.
* Ang dalawang larawan sa itaas ay ang dalawang naging Taga-usig ng La Liga Filipina, una ay si Agustin dela Rosa at ang pangalawa ay si Isidro Francisco.

source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel.

Unus Instar Omnium.

Spotlight sa Puno

Mga Tungkulin:

1. Maingat niyang pagmamalasakitan ng buhay ang Sanggunian; isasaulo niya ang mga bagong pangalan at tunay na mga Sanggunian kung siya'y Sangguniang Kataas-taasan, at kung siya'y Sangguniang Pambayan lamang, ay ang mga pangalan ng lahat ng kanyang mga kasapi.
2. Lagi niyang pag-aaralan ang mga kaparaanan upang papag-isahin ang kanyang mga sakop at sisikapin niyang ang mga ito'y makapagbalitaan nang mabilis.
3. Pag-aaralan at lulunasan niya ang mga pangangailangan ng Liga Pilipina, ng Sangguniang Panlalawigan, o ng Sangguniang Pambayan alinsunod sa kung siya'y Sangguniang Kataas-taasan, Sangguniang Panlalawigan, o Sangguniang Pambayan.

4. Haharapin niya ang tanang puna, patalastas, at kahilingang ipadala sa kanya at kapagdaka'y ipagbibigay-alam ito sa sinumang kinauukulan.

5. Sa mga panganib ay siya ang mangunguna, at siya ang unang may pananagutan sa anumang mangyayari sa loob ng kanyang Sanggunian.
6. Magbibigay siya ng halimbawa ng pagtalima sa mga Sangguniang nakatataas upang siya naman ay talimahin din.
7. Kikilalanin niya sa kahuli-hulihang kasapi ang katauhan ng buong Liga Pilipina.
8. Ang mga pagkukulang ng mga namumuno ay parurusahan nang lalong mabigat kaysas pagkukulang ng mga karaniwang kasapi.
Mga Karapatan:

1. Hindi maaaring pakipagtalunan hanggang walang paunang sumbong ng Tagapag-usig.

2. Kung nagigipit sa panahon at pagkakataon, ay maaari siyang kumilos sa sariling kalooban at sa sariling pasiya, datapuwa't mananagot siya sa mga sumbong ng maaaring ibuhat sa kanya.
3. Sa loob ng Sanggunian, siya ang hukom sa lahat ng suliranin o usapin.

4. Siya ang tanging may kapangyarihan kumilala sa mga tunay na pangalan ng kanyang kasapi o ng mga nasasakop.

5. May malawak na kapangyarihan siya upang bumalangkas ng maliliit na bagay na nauukol sa mga pagtitipon, mga pakikipagtalastasan, at mga gawain upang ang mga ito'y maging mabisa, matatag at mapabilis.

6. Kapag ang isang Sangguniang pambayan ay napakarami, ang Punong pambayan ay maaaring magtatag ng ibang pangalawang Sanggunian at humirang muna ng mga magsisipamuno. Kapag nagtatag na ang mga ito, sila'y pababayaang maghalal ng mga mamumuno sang-ayon sa mga alituntunin.

7. Ang bawat Pilipino ay may kapahintulutang magtatag ng isang Sanggunian sa kanyang bayan kung wala pa nito, at ang bagay na ito'y ipagbibigay-alam niya, pagkatapos, sa Kataas-taasang Sanggunian o sa Sangguniang Panlalawigan.

8. Ang puno ay siyang pumipili ng Kalihim.
* Ang dalawang larawan sa itaas ay ang dalawang naging mga pangulo ng La Liga Filipina, una ay si Ambrosio Salvador at ang pangalawa ay si Domingo Franco.
source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100 kay Sir Mykel.
Unus Instar Omnium.

Monday, October 8, 2007

Kasaysayan ng La Liga Filipina

Ang La Liga Filipina ay isang samahan na itinatag ni Jose Rizal sa Pilipinas noong ika-3 ng Hulyo, 1892. Nabuo ang samahang ito sa layon nilang mawakasan ang pang-aaping nararanasan nilang mga Pilipino sa kamay ng mga Kastilang mananakop. Pero ang mas mabigat na dahilan ng pagkabuo ng samahang ito ay ang kanilang pare-parehong mithiin na maging malaya ang Pilipinas sa kamay ng Espanya sa mapayapang paraan. Ngunit, ang samahang ito ay nagtagal lamang ng tatlong araw sapagkat nuong ika-6 ng Hulyo, 1892 ay ipinakulong si Jose Rizal. At nang sumunod na araw, ika-7 ng Hulyo, 1892 ay pinatapon na siya sa Dapitan, Zambales.

Matapos hulihin si Rizal, nagpatuloy pa rin ang La Liga Filipina sa kanilang pamamaraan, palihim nga lang. Bumuo rin ang mga natirang miyembro ng panibagong mga pinuno. Nahalal na pangulo si Domingo Franco, kalihim at ingat-yaman si Deodato Arellano, taga-usig si Isidro Francisco, at consejo supremo naman sina Juan Zulueta at Timoteo Paez. Hindi nagtagal, sumunod na naging kalihim si Apolinario Mabini at nagtatag ng bagong samahan naman si Andres Bonifacio, ang Katipunan.

Iyan ang naitatag na pangalawang listahan ng mga pinuno ng La Liga Filipina. Bigyang-pansin naman natin ang una at orihinal na listahan ng mga pinuno at kasapi ng La Liga Filipina.
Makikita sa larawan sa ibaba ang ipinatayong monumento sa Tondo nuong ika-30 ng Disyembre, 1903 bilang parangal kay Rizal at sa kanyang mga kasama at iba pang tumulong sa pagtatag ng La Liga Filipina. Ang monumentong ito ay nakatayo sa isang pirasong lupang inalay ni Timoteo Paez, isang kasapi ng Liga.

Nakaukit sa monumento ang mga kataga:

'Alalahanin. Sa harap nito, sa bahay na 176 Calle Ilaya, itinatag ni Doctor Rizal nuong gabi ng Julio 3, 1892 ang lihim na pambansang lipunan ng Liga Filipina, sa tulong at sang-ayon ng mga ginuong nakatala rito.

'Dr. Jose Rizal, ang nagtatag, binaril.

'Ang mga director -

'Ambrosio Salvador, pangulo ng Liga, ikinulong.

'Agustin dela Rosa, fiscal, ikinulong.

'Bonifacio Arevalo, ingat-yaman, ikinulong.

'Deodato Arellano, kalihim at unang pangulo ng Katipunan, ikinulong.

'Ang mga kasapi -

'Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan at pang-una sa sigaw laban sa manlulupig nuong Agosto 24, 1896.

'Mamerto Natividad, sumunod kay Bonifacio sa pagsigaw sa himagsikan sa Nueva Ecija nuong
Agosto 28, 1896, binaril.

'Domingo Franco, supremo ng Liga Filipina, binaril.

'Moises Salvador, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.

'Numeriano Ardiano, punong tanod ng kagalang-galag na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.

'Jose A. Dizon, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Taliba, binaril.

'Apolinario Mabini, abogado, ikinulong.

'Ambrosio Rianzares Bautista, unang bayani nuong 1868, ikinulong.

'Timoteo Lanuza, nagpasimula ng pahayag nuong 1888 na palayasin ang mga frayle, ikinulong.

'Marcelino de Santos, tagatawad at alalay ng La Solidaridad, ang pahayagan ng Pilipino sa Madrid, ikinulong.

'Paulino Zamora, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, ipinatapon.

'Juan Zulueta, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, napatay.

'Doroteo Ongjunco, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong at may-ari ng bahay.

'Arcadio del Rosario, tagahayag ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, ikinulong.

'Timoteo Paez, ikinulong.'

Unus Instar Omnium.

Mas Malalim na Pagkilala sa La Liga Filipina


Bilang sagot sa naiwang tanong sa naunang post, hindi kami fraternity. Una sa lahat, magduda man kayo o hindi, wala kaming hazing o initiation tulad ng nasa larawan. Kung pinagdududahan ninyo ang isyung iyon dahil sa aming mala-superman na brotherhood, wala na kaming say doon. Pangalawa, hindi ba mas tamang kilalanin kami bilang isang politikal na grupo? Hindi lang naman mga tulong-serbisyo tulad ng mga fraternities ang ginagawa namin, mas malawakang pakikialam pa at pagtulong sa gobyerno ang aming palaiang pinapasok.

-Kaya nga mainit kami sa mata ng pamahalaang Kastila.
Kaya ngayon, doble o kung hindi man, sampu-sampung pag-iingat ang ginagawa namin sa lahat ng mga pagpaplano at pinaplano namin. Upang maisakatuparan ang mga layunin ng La Liga Filipina ay lilikha ng Sangguniang Pambayan, Panlalawigan at isang Kataas-taasang Sanggunian. Bawat Sanggunian ay bubuuin ng isang Puno, Tagapag-usig, Ingat-yaman, Kalihim at mga kagawad. Samantala, ang Sangguniang Kataas-taasan ay bubuuin ng mga Sangguniang Panlalawigan. At ang Sangguniang Panlalawigan ay bubuuin din ng mga Sangguniang Pambayan.

Ngayon, upang mas maging malinis ang lahat, ang Sangguniang Kataas-taasan ang nag-uutos sa buong Liga at ang tuwirang nakikipag-unawaan sa mga Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Pambayanan. Sumonod, ang Sangguniang Panlalawigan ang nag-uutos sa Sangguniang Pambayan. Pagkatapos, ang Sangguniang Pambayan ang nag-uutos sa mga kasapi.
Bukod pa sa mga iyan, bawat Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Pambayan ay gagamit ng isang pangalang naiiba sa pangalan ng bayan o pook.

O ha, napakaraming taktikang naiisip ng Liga para hindi makahanap ng butas ang pamahalaang Kastila sa paghahanap ng ikasisira ng La Liga. Napakagaling talaga.
source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading s PI 100 kay Sir Mykel

Unus Instar Omnium.

Pagkilala sa La Liga Filipina "Fraternity"

Pagkakaisa. Pagtutulungan. Hustisya. Kaunlaran. Pagbabago.
Masasabi ng karamihan na para kaming panibagong frat - ang La Liga Filipina Fraternity. Iyon nga lang, hindi mga griyegong salita ang gamit namin kundi espanyol. Pero bakit ba kami inihahalintulad sa isang fraternity? Dahil ba sa pinakamababaw na dahilan na lahat kami ay lalaki? O baka naman dahil sa nalalaman nilang matinding "brotherhood" sa aming grupo?
Isipin na ng lahat ang gusto nilang isipin, basta kami, ang kinikilala lamang namin palagi ay ang limang unang salita sa post na ito.
Pagkakaisa at Pagtutulungan. Sa anumang bagay, mas gugustuhin natin parati ang mas okey, hindi ba? At napakasimple lamang ng lohika ng aming grupo, kung may pagkakaisa, may pagkakaintindihan; magkakaunawaan at magtutulungan. Resulta: mas magiging okey ang relasyon ng lahat sa isa't isa. Mas mapapabuti rin ang gawain ng bawat isa dahil nagtutulungan, nagdadamayan.
Hustisya, Kaunlaran at Pagbabago. Kung may pagkakaunawaan na ang lahat at nagtutulungan, hindi na kataka-taka kung ang tatlong bagay na ito ay palaging masali sa aming mithiin at mga usapin. Basta, ang pakikipagkapwa namin ay hindi tumitigil sa aming grupo, inaabot namin ang iba pang kapwa Pilipino. Mas magiging maganda kung lahat tayo ay hindi natatapakan, umuunlad at patuloy na humahangad ng pagbabago.
Mula sa limang bagay na ito, pinapaalam namin ang aming mga layon:
1. Papag-isahin ang buong sangkapuluan sa isang katawang buo, malakas, at magkakauri.
2. Pagtatangkilikan ng isa't isa sa lahat ng kagipitan at pangangailangan.
3. Pagtatanggol laban sa lahat ng pandarahas at kawalang matuwid.
4. Pagpapaunlad ng pagtuturo, pagsasaka't pangangalakal.
5. Pag-aaral at pagpapairal ng mga pagbabago.
Sa lahat ng nasabi tungkol sa La Liga Filipina, masasabi mo pa rin bang isa na naman kaming fraternity?
source: La Liga Filipina, Ikalawang Paglalakbay, Reading sa PI 100

Unus Instar Omnium.